20080116

miNsan..

Ang ganda ng papalubog na araw sa dapithapon ay naka-antig sa nanunuyo kong damdamin. Likha ng Diyos.. Tila ako'y muling naambunan ng pag-asa habang ang kanyang liwanag ay marahang dumadampi sa aking mukha. Makalipas ang walong taon, sa lahat ng aking napuntahan, sa lahat ng aking nagawa, sa lahat ng aking napagdaanan, ngayon ko lang muling nakita ang pamilyar na tanawing ito.

Ngunit marami nang nagbago.

Bumalik ang mga alaala..

Doypz2084 Nakita ko ang isang batang nasa bubungan ng kanilang bahay. Tahimik siyang nakaupo habang pinagmamasdan ang langit at nangangarap.. Tulad ng lahat, nangangarap na magkaroon ng isang magandang bukas sa kanya at sa mga taong mahalaga sa kanya. Sa di kalayuan ay aliw na aliw niyang tinatanaw ang kanyang paaralang kinagisnan habang ang kanyang mga kaeskwela ay naglalaro matapos ang klase. Naroon din ang mga tindero ng kung anu-anong pagkain, laruan at iba pa at ang mga kapwa niya batang nag-uunahan sa pagpila. Madalas gagawin niya ito kapag ang kanyang mga kaklase ay nakauwi na o kaya habang tinatapos ang kanyang takdang-aralin. Kitang-kita rin niya ang kabuuan ng lugar na kinalakhan niya. Ang tambayan, mga bahay ng kaibigan, mga palaruan, mga ibon na lumilipad o ang mga pusang naghahabulan sa bubungan ng mga kapitbahay, ang mga asong namamahinga sa tabi ng kalsada, ang mga ulap na dahan dahang tumatawid sa makulay na kalangitan at ang mga punong magiliw na sumasabay sa pag-ihip ng hangin. Napamahal sa kanya ang paaralan at paligid na iyon. Isang perpektong larawang puno ng pag-asa at pangarap. Payapa, tahimik at walang dapat katakutan na para bang wala nang igaganda pa ang buhay.

Namuhay siya ng may saya. Ng may pagmamahal at pag-aaruga sa gintong kutsara na sa kanya ay isinusubo at sa malambot na kamang kanyang hinihigaan. Ng walang alinlangan. .Doypz2224

Ngunit ang pagsubok ay sadyang dumarating. Minsan mapagbiro talaga ang tadhana at ang kapalaran ang palaging nagdurusa. Isang pagsubok. Isang dagok na makapag-papabago sa kanya at sa lahat ng nakapaligid sa kanya.


"May cancer ang mama niyo.."

Ang kanyang buong pamilya ay lumaban hanggang sa puntong sila ay halos magwatak-watak. Ngunit sa huli ay matatalo rin ng sakit ang tao at nawalan ng saysay ang pagtitiis.


Siya man ay nabigo..

Nakalimutan ng munting bata ang kanyang mga pangarap at nagpa-anod sa agos ng damdamin. Nagpatalo siya sa problema at sa panghahamak ng kunsensya. Ang kanyang mga pagkukulang sa Diyos, sa pamilya, maging sa kanyang sarili. Nahimok siyang dalahin ng pangako ng mali at kasamaan upang makalimot hanggang sa nakalimutan niya ang kanyang sarili.

Ska_nati0n



Dumaan ang mga araw, ang mga buwan, ang mga taon na tila mga lumang alaala na lamang ng ibang buhay na nabaon na sa limot. Ang munting bata ay natuto, sa loob man ng silid aralan maging sa kalye kasama ng mga kawatan. Mga aral na mabuti at masama. Unti unti ay dumami ang kanyang kaalaman. Dumami ang kanyang kakayahan. At lumalim ang kanyang kamalayan hanggang sa siya ay tuluyang nilamon ng kanyang sariling mga pagnanais at nasadlak sa mundong kanyang piniling galawan.


Maging ang taong kanyang inasahang magmamahal sa kanya, tatanggap at kanyang ipinaglaban ng buong puso ay tila tinalikuran na rin siya.
1_230362483lKung ito man ay sa kanilang pagkakalayo, pagkukulang, pagkakamali o sadyang nawala nang talaga ang pag-ibig sa kanyang puso ay hindi niya malaman.

Kailanman ay hindi mananaig ang kasamaan. Siya'y tao lamang na mauubusan rin ng tatakbuhan, mauubusan din ng lakas ng loob, lakas ng loob na hinuhugot niya sa masamang pinanggagalingan at mahuhuli rin sa kanyang mga gawing mali at haharap sa panghuhusga ng Diyos at mga mata ng kanyang kapwa tao.

Palaging nasa huli ang pagsisisi.

Mabuti na lamang at nariyan ang kanlungan ng kanyang pinagmulan na bukas-palad na handang tanggapin siyang muli upang siya ay magbago..

Habang nakaupo at tahimik na pinagmamasdan ang tanawing matapos ang walong taon ay nariyan pa rin upang siya ay paalalahanan ng kanyang mga pangarap, mga pangarap na ngayo'y tila naudlot na gawa ng tao, pagkakamali at mga bagay na hindi natin ginusto,
ano pa ang silbi nito?

Bagama't ang langit at ang araw ay hindi magbabago, ang mga bagay sa paligid ay hindi maitatatwang nag-iba na nga. Ang kanyang dating munting paaralan na minamahal ngayo'y puno na ng mga matataas na gusaling hindi matapos-tapos, ang mga bahay ng kanyang mga kaibigan ay may nakatira nang iba, bago na o di kaya'y giba na, wala ang ang kanilang tambayan at mga palaruan at ang mga aso, ibon, pusa at mga puno sa paligid ay nag-iba na rin. Patunay na ang mundo, buhay at tao ay nagbabago sa ayaw man natin o sa hindi.
Doypz2223




Minsan mas mabuti pang bumalik sa pagkabata. Puno ng pag-asa at kung saan ang mundo ay walang takot, ang buhay ay walang alinlangan at sa sarili ay walang pagsisisi..