Gumising ako na tulad ng kahapon. Tulad nung isang araw, tulad ng mga nakaraang umagang hindi ko na mabilang. Isang umagang dahan dahang gumagapang, lumiliwanag at nagiging maghapong hindi mo na mapansin sa kadahilanang ito'y pare-pareho na lang na parang isa kang preso. Minsan hindi mo na alam kung anong araw iyon ng linggo. Siguro nga ganito ang buhay kung ika'y isang bilanggo ng sarili mong pag-iisip. Mahinahon akong bumangon at sinapo ang aking ulo ng dalawang kamay at nagsindi ng sigarilyo. Dahan dahan akong tumingala ng nakapikit at bumuga ng usok.. Laman ng utak ko.
Pagmulat ko, direkta akong nakatingin sa salamin na pinagdidikitan ng mga litrato ng mga kaibigan, kabanda at kabarkada. Sa gitna nito ay isang imahe ng pangako at pag-asa. Pag-asang hindi ko alam kung darating pa at pangakong nakabingit na yatang mapako..
Mahilo-hilo pa akong tiningnan ang aking telepono. May mangilan-ngilan ding mensahe mula sa ilang taong nakaalala pero alam kong yung iba, masipag lang talaga mag-send to many. Sabi dun sa isa:
"Your college friends know who you are.. But your high school friends know why."
Hindi ko alam sa iba, pero alam kong tama iyon.. At ang mga kaibigan ko ang patotoo. Mga kaibigang sinubok ng panahon at nilampasan ang mga dagok sa samahan. Kabilang sa kanila ay ang ilan ding kaibigan na bagama't malayo at di mo man makita ng ilang taon ay alam mong nariyan para sayo na hindi mag-aatubiling tumulong at makinig.
Hindi lahat ng kaibigan perpekto. Pero hindi rin lahat tarantado. Merong mga darating sayo para gaguhin ka lang, merong nandyan para tulungan ka, merong nandyan dahil nagkataon lang at meron ding nandyan dahil ginusto nila. Minsan me mga taong nakakalimutan ko ring pasalamatan. Sana sa entry kong to, mapasalamatan ko lahat ng mga taong nariyan para sa isang kaibigang tulad ko.. Dahil alam ko, hindi ako perpekto.
Minsan naligaw ako ng daan na tinatahak. Hindi ako naging malakas. Hinayaan kong magpadala sa agos ng kawalan ng pag-asa hanggang sa lahat na lang ng ginawa ko ay puro pagkakamali na sinundan ng isa pa at isa pa at isa pa hanggang sa ang lahat sa buhay ko ay kamuntik ng mawala. Pinakamasakit yung sabihan ka ng isa sa pinakamatalik mong kaibigan ng: "kaya ka nila nilalayuan dahil iba na daw ang trip mo.." Tila mula sa isang high, hinila ako ng mga salitang 'yon pabalik sa realidad. Pabalik sa tunay na mundong pinilit kong takasan.. Kung hindi mo nga naman mahabol sa mundong ito ang kaisa-sang kaligayahan na hinahanap mo, san ka pa nga ba maghahanap? Ako?.. Hinanap ko ito sa isang artipisyal na mundo. Isang mundong naririnig mo lang ang gusto mong marinig, nakikita mo lang ang nais mong makita. Isang makulay na mundong ilang oras lamang ay ibabalik ka sa kadiliman ng buhay mo.. What choice do you have? What makes the pain go away?
Bago ako nasadlak sa putik, ang uniporme ko ay puti. Sa loob ng apat na taon kong pagkapit sa bubog ng pag-ibig, me mga kaibigan akong pilit itong ginagamot. Mga kaibigang 'di man alam ang dahilan ng pakikipaglaban ko, ay nariyan naman kapag nakita nilang ako'y sugatan. Bagamat handa rin silang tumulong, gawa ng pagkakamali, ako ay napasuway. Hindi kami magkakasamang umakyat sa entablado, tinaggap ang diploma at inihagis ang cap sa ere. Ngunit sa kaunting panahon naming pagsasama-sama, sila ang mga naging sandigan ko sa isang lugar na malayo sa pamilya at mga kaibigang naiwan. Pinakita nila sa akin na minsan, hindi mo rin kailangan ang panahon para masubok ang mga kaibigan mo. Ang apat na taon rin pala ay sapat na..
Kanina gumising ako.. Pero hindi ito katulad ng kahapon. Sa pag-aagaw ng aking ulirat at pagka-himbing, ako ay nanaginip. Nasa loob ako ng isang studio. Isang gameshow. Tinanong ako ng host. Sabi niya: "Anong bagay ang may zipper at limang butones?" Hindi ko makuha ang kahulugan ng tanong niya. Sa sobrang tindi ng pag-isip ko sa isasagot, napamulat ako ng aking mata at doon ko nakita ang sarili ko sa loob ng aking kwarto. Tumingin ako sa damitan ko at napangiti. Doo'y naka-hanger ang limang puting uniporme na may zipper sa gilid, tatlong butones sa kanang balikat at dalawang pandekorasyon sa likod na alam kong kailanman ay hindi ko na gagamitin. Sabihin mo mang iba na ang uniporme ko ngayon kasama ang mga kaibigan kong iniwan ng apat na taon, alam kong sa puso ko, bilang estudyante, ay may limang butones pa rin at isang zipper sa tagiliran..
20080801
Subscribe to:
Posts (Atom)