Minsan, dumarating tayo sa punto sa buhay natin na nakaupo ka, umay sa sigarilyo, ubos ang alak at walang makausap. Wala ni katext, nagtetext o kahit load dahil wala ka namang kapera pera. Ambabaduy ng palabas sa tv, sawa ka na sa mga babasahin at walang magandang pakinggan sa CD player mong paulit ulit na lang ng mga tinutugtog.
Nakakabato. Nakakarindi.
Ganito na talaga siguro ang buhay na pinasok ko. Yung mundong ginagalawan ko na sa una ginusto pero ngayon hindi matakas-takasan. Bakit kaya ang tao handang talikuran ang lahat maging ang matinong pamumuhay at pag-iisip maranasan lang yung kaligayahan na akala nila ay wala don sa buhay na iniwan nila? Nakakatawa pang isipin na matapos ang lahat ng iyon, saka sila matatauhan na walang naroroon kundi pagsisisi. Nasa huli raw yon, ika ng matatanda.
Paulit-ulit, paulit-ulit.
Minsan iisipin mo yung CD player. Hindi mo alam kung ikaw yung sirang plaka na paulit-ulit at paikot-ikot. Minsan iisipin mo yung CD player ang buhay mo na wala namang tigil sa kakapaikot sayo at yung taong may-ari ng cd player na wala rin atang magawa kundi patugtugin ka ng naaayon sa kagustuhan niya hanggang sa magasgas ka at wala ka nang pakinabang.
Musika.
Isa ito sa mga minahal ko sa buhay na hanggang ngayon hindi ko malaman kung mahal rin ako. Nahilig pero hindi niya kinahiligan. Ewan ko ba. Masakit na rin sa tenga yung paulit-ulit ang musika. Nagkanda bulilyaso yung mga pangarap ko sa buhay dahil sa pagkahilig ko sa kanya. Ang masakit sa loob e nung talikuran ko ang mga taong mahal ko sa buhay at mga nagmamahal sa akin hanggang sa lumingon ako at wala na sila.
Bisyo, pagpapabaya, kalungkutan.
Nung buhay pa yung nanay ko, pilit niya akong pinigilan sa gusto ko. "Itigil mo na yan. Ngayon lang yan. Pano ang kinabukasan mo e hindi ka naman magaling?" ang minsan sinabi niya. Ipinaliwanag niya sa akin ang ibig sabihin ng simbulo ng ENTERTAINMENT. Yun bang dalawang maskara. Yung isa raw na naka-ngiti, yun daw yung Game Face mo. Yun yung ihaharap mo sa tao. Yung umiiyak na maskara naman daw ang sumisimbulo sa buhay pag wala ka na sa stage. Sabi ko naman ini-enjoy ko lang ang kabataan ko.
Hindi ko inisip na mangyayari sa amin yon. Nagkasakit ang nanay ko. Malubha. Akala ko kaya nila tutal, may kaya naman sila.. at bata pa ako. Inatupag ko muna yung luho ko, bisyo at pagpapasarap sa buhay. Pati pag-aaral ko nakompurmiso.
Ineksyon.
Sa kabila ng kursong kinuha ko at sa sitwasyon ng buhay namin, binalewala ko ito. Andun ako sa ospital. Tuwing umaga. Nag-aalaga, nanggagamot, naghuhugas ng puwit ng ibang tao. Kailangan e. Estudyante. Andun ako sa Bar pag gabi. Nagpapasarap. Tumutugtog. Naghingalo ang nanay ko at sinubukan nila akong pauwiin. Prodigal son ako. Hanggang ngayon dala dala ko hanggang mamatay ako ang pagsisisi at sama ng loob sa sarili ko. Namatay ang nanay ko ng hindi ako nakita.
Nung minsang wala ako sa sarili ko, nakikita ko ang sarili ko. Nakaupo. Ubos ang alak. Gumawa nanaman ng illegal. Walang magandang patugtugin sa radyo. Nakakasawa e. Nakakabingi yung katahimikan. Alas-dos ng madaling-araw. Inisip ko kung anong sense nung scene na yon. Kaso wala e. Parang yung paulit ulit na pag-ikot nung cd sa player. Ba't di siya gumaya sa tape? Patawad inay. Napraning na ata talaga ako. Sa mga oras na yon isa na lang ang naglaro sa isip ko bago ako pumasok sa kwarto at matulog. Yung hanapin ang daan palabas dun sa trip ko. Pinatay ko tuloy yung radyo..