20070828

gUhit aT gRaMo


..nagsimula sa patikim-tikim..
Nung bata pa ako, sinabi ko sa sarili ko na hinding hindi ako iinom at maninigarilyo. Pangako yan. Peksman! Pero katulad ng karamihan ng mga pinangako, napapako.
Second year high school ako nung una akong malasing. Birthday ko noon. Hindi ko naman sana binalak pero nayaya ng barkada kaya ang kinalabasan, isang dosenang katorse anyos na binatilyo na may mga tama at may dalawang nagsusuntukan. Ewan ko kung pano nakarating yung dalawa sa loob ng school ng nag-aaway pero mabuti na lang at hindi nalaman ng mga teacher. Simula noon, naging madalas na ang pagbisyo ko. Naging isang beses isang linggo, dalawa, tatlo, hanggang sa naging araw-araw at buong araw.
Ewan ko kung anong pumasok noon sa utak ko. Basta ang alam ko, naging factor na rin ang mga dinanas ko bilang isang lampang bata. Nerd. Outcast. May alienation syndrome ata ako. Kasama na rin ang pinagdinaanan ko sa loob ng bahay. Naging rebelde ako noon.
If you can't beat them, join them
Dahil palagi akong napagtritripan nung bata pa ako, minabuti kong barkadahin yung mga nagtritrip sa akin. Kaso, dahil gago ako, sumobra. Ako yung lumabas na pinaka-malala. Sila, nanatili sa kung ano sila. Ako naman, kung saan-saan napadpad. Napansin na noon sa bahay ang mga ipinagbago ko at lalo akong laging napapagalitan. Kaya palagi rin akong naglalayas at kung saan saang gulo napupunta. Nalulong ako sa bisyo. Alak, sigarilyo, babae, sugal, rambol, maging droga. Nagsimula na rin akong mahilig sa pagbabanda. Halos hindi na ako pumapasok sa eskwela. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses ako kinwentuhan ng mga kasambahay ko tungkol sa mga napabalitang gulo sa lugar namin na hindi nila alam na kasali ako roon.
The other side of me
Kapag nasa loob ako ng eskwela, ako yung nasa star section na palaging aktibo sa mga extra-curricular activities, contests at kung anu-ano pang pinapagawa nila. Ako yung president, yung ganito, yung ganyan. Ang hindi nila alam, unang hakbang ko sa labas ng gate, nakahanda na yung pangsindi, umiinom sa tapat mismo ng campus, nag-mamarijuana sa loob ng banyo. Nagpapameeting pa ako ng student council nang lasing.
Nanatili akong ganito. Namuhay ako ng naaayon sa kagustuhan ko ng wala pa sa edad. Hanggang sa nag-college ako na nakasanayan ko ang ganitong istilo.
Kolehiyo
Dapat sana sa manila ako mag-aaral. Gusto ko sanang maging kurso ko, siyempre yung hilig ko. Musika. Gusto ko sana mag-aral sa USTe. Conservatory of Music. Pero hindi lahat ng gusto natin nasusunod. Sa isang masklap na biro ng tadhana, nagkasakit ang nanay ko. Cancer. Walang lunas. Kahit gaano kadami ang pera mo. Milagro. Milagro lang ang tanging solusyon. Kaso yung milagrong yon, hindi dumating. Naghirap kami. Nagkawatak watak ang isang pamilyang dapat sana'y nagkakaisa sa mga ganitong pagsubok. Nawalan ako ng paniniwala sa Diyos. Nawalan ako ng tiwala sa pamilya ko. At lalong nawalan ako ng tiwala sa sarili ko.
Hindi ako natuloy sa pag-aaral sa Maynila. Napadpad ako sa Naga sa isang kursong kinuha ko nang trip trip lang. Hindi man kasing layo ng Maynila, siyudad din ito na mas maraming kahibangan ang pwede kong gawin at higit sa lahat, malayo sa pagkontrol ng pamilya. Nakalaya. Lalo akong napariwara.
Ngunit ganunpaman, hindi ako natanggal sa mahigpit na salaan kada sem ng eskwelahang pinapatakbo ng mga madre. Maraming nagtataka. Sabi ko stock knowledge. Hari ng lusutan. Nanatili akong ganito. Relax, late at mas madalas absent.
Namatay ang nanay ko sa bahay habang naka-duty ako sa ospital.
Pagkakita ko sa nanay ko, narinig ko sa loob ng ulo ko yung sinabi nung resource speaker namin sa isang seminar: "Habang buhay pa ang mga magulang ninyo, iparamdam ninyo kung gaano ninyo sila kamahal. Hindi yung hihingi kayo ng tawad sa kanila kung kailan patay na sila dahil kahit kailan, hindi na nila yun maririnig." Yung sinabi niyang yon, hindi ko nagawa. Kaya halos ganon na lamang ang hinanakit ko sa sarili ko at pagsisisi. Masama sa loob.
Sa mga sandaling yon, dun ako natauhan. Nagising.
Nangako ulit ako sa sarili ko na magbago. Na pulutin ang mga nawasak at hanapin ang mga nawalang parte ng buhay ko. Pulutin isa-isa at piliting mabuo ulit, gaano man karami ang lamat, gaano man kaimposible.
Nagkaroon ako ng panibagong motivation. Panibagong buhay. Panibagong pag-asa. Nagsipag uli ako sa pag-aaral ko. Itinigil ko ang pagbabanda. Lumayo muna ako sa barkada. Sa bisyo. Pinagtuunan ko ang eskwela at ang pamilya. Pero sa kasuluksulukan ng sarili ko, pakiramdam ko, may kulang.
Matapos ang lahat ng sakit, matapos ang mga naiwang malaking kawalan sa buhay ko ng mga taong minahal ko sa mga panahong iyon na nagsimula ako ulit sa wala, sariwa pa ang mga sugat na iniwan nila. Sa hiwa-hiwalay na pagkakataon, nawala sila sa akin. Si N******, si L******, si K**. Sila yung mga pinagkunan ko ng lakas sa mga panahong pinanghihinaan ako ng loob. Dahil dito, nagdesisyon ako na magmahal muli nung hindi ko inaasahang may dumating.
..sa isang marikit na alaala..
Nahulog ang loob ko sa isang babaeng noon ko lang din nakilala sa puntong nagrerekober ako sa mga sakit na pinagdaanan ko. Mga sakit sa puso na nakakatawang balikan ngunit napakahirap pagdaanan. Hindi ko alam kung bakit sa unang tingin pakiramdam ko hinintay ko siya samantalang wala siya sa category sa mga babaeng naging nakaraan ko. Oo maganda din siya, mabait, sexy o talented o anupaman. Iba kasi siya. Nanggaling siya sa Chinese na pamilya. Iba yung demeanor niya, yung dating, yung ere, yung appeal yung breeding o kung ano. Naiinggit ako sa kanya. Dahil lahat ng ginusto ko sa buhay, nasa kanya. Basta sa loob ng maiksing panahon na nakilala ko siya, minahal ko siya. Napasobra nga ata.
Naging ok kami. Sa simula. Naging magkaibigan kami, umamin ako at kung anu-ano. Maganda. Sa simula. Pero sa hindi ko malaman at maipaliwanag na pangyayari, pumangit ang relasyon. Sa napakaiksing panahon, nasanay akong mabuhay ng para sa kanya. Sa kanya na umikot ang mundo ko. Kaya nung magka-gap, nawalan nanaman ako ng direksyon, higit sa mga nangyari na noon. Masyado akong naobsess sa kanya.
Muling pagkakamali
Bumalik ako sa mundong pilit ko nang tinatakasan. Hindi lalo ako nagpapasok. Laging nasa kalsada kahit madaling araw. Nakatambay sa pinakamagugulong lugar. Ngunit parang nakakahinanakit na dito na ata talaga ako nakalaan. Kung babalikan, o kung iisipin mo, ang mga baguhan sa bisyo, kadalasan yung mga high school, excited. Naninibago, naamaze. Kuntento ka na sa ilang stick ng yosi. Sa isang bilog na pagsasalu-saluhan ninyong magkakabarkada, sa isang teabag na marijuana. User ka. Newbie. Tingi. Retail. Nakakatawang isipin na kayo-kayo na lang na pare-parehong mahina pa ang dosage sa alak, nagdadayaan. Ngayon iba na. Iba na ang arena ko. Ibang level ika nga. Mas delikado na ang mundo kapag pilit mo itong pinasok. Wala naman kasing magbabawal sayo dito. Walang bawal sa hindi alam ng pulis, ng mga magulang mo at ng mga tao. Hindi na pinagaawayan ang sigarilyo. Nagswaswapangan na sa alak. At hindi na teabag ang nilalarga. Guhit at gramo na ang usapan dito. Bloke ng damo na chine-chainsaw, bulto ng bato na tinitiktik. Wholesale. Minsan nga pag medyo bigatin pa, distributorship ang laban. Dito nagkakasanglaan ng gamit, dito nagpapatayan ang tao. Kulang na lang na kaluluwa ang isangla mo. Minsan nakikita ko na lang ang sarili ko dito na parang hindi ako iyon, na parang buhay ng ibang tao ang nakikita ko. Hindi ko na siya kilala.
Redemption
Nakakatakot. Nakakatakot para sa kinabukasan. Nakakapagod. Nakakapagod para sa natitira pa sa buhay mo. Nakakasawa na. Ayoko na. Pero sa anong paraan? Nasa diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Pero kung ikaw ang nakalugmok, iisipin mo rin na wala nang paraan. Hindi ganon kadali. Gaano mo man pilitin. Kahit sino pang tanungin mo.
Sana sa pagdaan ng mga araw, yung matagal ko nang hinihintay na milagro dumating na. Masarap magbago. Lalo na kung para sa ikabubuti.

No comments: