
Pagmulat ko, direkta akong nakatingin sa salamin na pinagdidikitan ng mga litrato ng mga kaibigan, kabanda at kabarkada. Sa gitna nito ay isang imahe ng pangako at pag-asa. Pag-asang hindi ko alam kung darating pa at pangakong nakabingit na yatang mapako..
Mahilo-hilo pa akong tiningnan ang aking telepono. May mangilan-ngilan ding mensahe mula sa ilang taong nakaalala pero alam kong yung iba, masipag lang talaga mag-send to many. Sabi dun sa isa:
"Your college friends know who you are.. But your high school friends know why."
Hindi ko alam sa iba, pero alam kong tama iyon.. At ang mga kaibigan ko ang patotoo. Mga kaibigang sinubok ng panahon at nilampasan ang mga dagok sa samahan. Kabilang sa kanila ay ang ilan ding kaibigan na bagama't malayo at di mo man makita ng ilang taon ay alam mong nariyan para sayo na hindi mag-aatubiling tumulong at makinig.

Hindi lahat ng kaibigan perpekto. Pero hindi rin lahat tarantado. Merong mga darating sayo para gaguhin ka lang, merong nandyan para tulungan ka, merong nandyan dahil nagkataon lang at meron ding nandyan dahil ginusto nila. Minsan me mga taong nakakalimutan ko ring pasalamatan. Sana sa entry kong to, mapasalamatan ko lahat ng mga taong nariyan para sa isang kaibigang tulad ko.. Dahil alam ko, hindi ako perpekto.
Minsan naligaw ako ng daan na tinatahak. Hindi ako naging malakas. Hinayaan kong magpadala sa agos ng kawalan ng pag-asa hanggang sa lahat na lang ng ginawa ko ay puro pagkakamali na sinundan ng isa pa at isa pa at isa pa hanggang sa ang lahat sa buhay ko ay kamuntik ng mawala. Pinakamasakit yung sabihan ka ng isa sa pinakamatalik mong kaibigan ng: "kaya ka nila nilalayuan dahil iba na daw ang trip mo.." Tila mula sa isang high, hinila ako ng mga salitang 'yon pabalik sa realidad. Pabalik sa tunay na mundong pinilit kong takasan.. Kung hindi mo nga naman mahabol sa mundong ito ang kaisa-sang kaligayahan na hinahanap mo, san ka pa nga ba maghahanap? Ako?.. Hinanap ko ito sa isang artipisyal na mundo. Isang mundong naririnig mo lang ang gusto mong marinig, nakikita mo lang ang nais mong makita. Isang makulay na mundong ilang oras lamang ay ibabalik ka sa kadiliman ng buhay mo.. What choice do you have? What makes the pain go away?

Bago ako nasadlak sa putik, ang uniporme ko ay puti. Sa loob ng apat na taon kong pagkapit sa bubog ng pag-ibig, me mga kaibigan akong pilit itong ginagamot. Mga kaibigang 'di man alam ang dahilan ng pakikipaglaban ko, ay nariyan naman kapag nakita nilang ako'y sugatan. Bagamat handa rin silang tumulong, gawa ng pagkakamali, ako ay napasuway. Hindi kami magkakasamang umakyat sa entablado, tinaggap ang diploma at inihagis ang cap sa ere. Ngunit sa kaunting panahon naming pagsasama-sama, sila ang mga naging sandigan ko sa isang lugar na malayo sa pamilya at mga kaibigang naiwan. Pinakita nila sa akin na minsan, hindi mo rin kailangan ang panahon para masubok ang mga kaibigan mo. Ang apat na taon rin pala ay sapat na..